Wednesday, April 7, 2010

Anibersaryo

Maagang sumilip si haring araw sa kalangitan, tila baga'y bumabati ng isang masayang umaga.Banayad na gumagala ang mga ulap ngunit kaunti lamang. Maririnig ang huni ng mga ibong kanina pa umaawit ng kanilang mga kantang iisa lang naman ang tono.Nagising si Marc dahil sa lakas ng kanyang alarm clock na de baterya.
Ito ang tanging natanggap niya mula sa yumaong ama 5 taon na nakalilipas.Dahan-dahan niyang iniunat ang mga kamay na noo'y namamanhid pa. Dali-dali siyang nagpunta sa lababo upang maghilamos ng mukha. At pagkatapos nito ay dumako na siya sa kanyang maliit na mesa upang magtimpla ng paborito niyang kape. Sa bawat higop ay patuloy niyang natatanaw ang sinag ng araw na bahagya nang nakarating sa kanyang higaan.

Sa kabilang dako ng kuwarto ay nakabalandra at nakakalat ang kanyang mga gamit,maruruming damit at mga librong halatang hindi pa natatapos basahin. Sa liit ng kuwarto ay hindi man lang siya magkaroon ng panahon para maglinis. Isang mabigat na dahilan- ito ay ang pagiging abala miya sa paghahanap ng trabaho sa gabi at kung mayroon mang libreng oras ay napupunta lamang ito sa pagtulog. Malapit ng maubos ang iniinom na kape noong makaramdam siya ng kaunting hiya sa sarili at naisip na iligpit ang mga sari-saring lapis at bolpen sa ibabaw ng kanyang tokador.Sa hindi sinasadyang galaw ay nasiko niya ang isang maliit at parihabang bagay na napaploob sa isang maiit na frame.

Ito ay ang larawan nila ng kanyang mga kakalase noong pagtatapos nila ng high school.
Tila kumulo ang tiyan niya kaya't siya ay naupo sa kutson at pinagmasdang mabuti ang larawan.Matagal na katahimikan ang bumalot sa buong silid at tanging ang kaniyang paghinga lamang ang maririning.
10 taon na pala ang naklilipas,mula ng mahulog ang mga patak ng luha nila sa sementadong lupa ng paaralan.Kung tutukuying mabuti,hindi maikukubli ang pamumugto ng kanilang mga mata sa larawan.Ngunit kahit malungkot ay halatang sinikap nilang maiayos ang mga ngiti.Magkahalong galak at kalungkutan ang naramdaman ni marc.
Parang kahapon lang nangyari ang lahat. Ang mga tawa't halakhak,hikbi't iyak,mga markang pasado't bagsak,mga ligawan at suyuan at mga masasayang araw na walang klase.Ang mga pangarap at ambisyon sa buhay ng bawat isa.

Natigilan si marc sa huling sambit ng kanyang utak. Mga pangarap at ambisyon sa buhay. At saka niya naalala ang dating mga kaklase. Totoong nagtagumpay sila, ang iba nasa ibang bansa na,may negosyante,may doktor,inhinyero,doktor,nars,teacher at lahat ng uri ng propesyon. Totoo ding hindi pinalad sa buhay ang iba, may mga pamilyado na at mayroon ding iba na nawala na lang basta.
oo, nalimot na yata ng panahon ang dating samahan ng magkakaklase.Kung ano man ang kinahinatnan ng bawat isa sa kanila ngayon, isa na lamang itong matamis na katuparan ng kahapon. Isang masayang yugto ng buhay nila noon.
Huminga ng malalim si marc at dahan-dahang inayos ang larawan sa kinalalagyan nito.
Naisip niya, marami pang dapat gawin at unahin. Kahit na anong mangyari,dapat na magpatuloy ang buhay.Kahit sa sandaling panahon lang ay buong kaligayahan at karangalan niyang makapaglakbay sa nakaraan at alam niyang sa bawat anibersaryo hindi mawawala ang mga ala alang ito.